Abstrak
Nilalayon ng pananaliksik na ito na sukatin ang antas ng kasanayan ng mga guro sa paggamit ng ICT-based gamification tools sa pagtuturo ng Filipino. Ang pag-aaral na ito ay gumamit ng palarawang pamamaraan (descriptive research design) na nilahukan ng 37 guro mula sa piling pampublikong paaralan sa isang urbanisadong lungsod sa Negros Island. Ginamit ang isang sariling-likhang instrumento na dumaan sa balidasyon at Cronbach’s Alpha test para sa pagtiyak ng kahusayan nito. Ang mga datos ay sinuri gamit ang frequency count, percentage, mean, at Mann-Whitney U test.
Natuklasan sa pag-aaral na ang mga guro ay may “Mataas na Antas” ng kasanayan sa mga eryang kolaboratibo at pedagohikal, samantalang “Katamtamang Antas” lamang sa mga eryang malikhain at teknolohikal. Partikular na hamon sa mga guro ang paglikha ng mga di-tradisyunal na estratehiya, pagpapatupad ng sama-samang paglutas ng suliranin gamit ang teknolohiya, pagbuo ng malinaw na pamantayan para sa gamified tasks, at ang teknikal na aspeto ng pag-save at pag-export ng mga aktibidad. Ipinakita ng resulta na may makabuluhang pagkakaiba sa antas ng paggamit ng mga nabanggit na tools kapag pinangkat ayon sa haba ng panunungkulan. Ang mga mas batang guro na may mas maikling serbisyo at mas mababang kita ay nagpakita ng mas mataas na antas ng kasanayan kumpara sa mga gurong mas matagal na sa serbisyo. Batay sa mga natuklasan, iminumungkahi ang pagbuo ng isang komprehensibong planong pagsasanay na tututok sa pagpapaunlad ng malikhain at teknolohikal na kakayahan ng mga guro upang masigurado ang epektibong integrasyon ng makabagong teknolohiya sa pagtuturo ng Filipino.
Keywords: ICT-based gamification tools, pagtuturo ng filipino, planong pagsasanay
